Wednesday, September 7, 2011

Things left unsaid..

Sa bawat paghihiwalay ng landas madaming nabubuong katanungan. Hindi mo maiiwasan magtanong. Madaming "what if". Madaming "bakit?". Madaming "ano?". Madalas hindi ka mabibigyan ng pagkakataon na itanong mismo sa kanya ang mga katanungan ito. Maiiwan ka na lang na nagiisip. Minsan may pagkakataon ka ngang itanong, hindi mo naman kaya. Hindi ka handa. Hindi ka handa magtanong, o hindi ka handa sa kanyang kasagutan. 

Madalas din may mga bagay ka na gusto mong sabihin. Na dahil sa bugso ng emosyon nung huli nyong pag-uusap ay hindi mo nasabi. Hindi mo kasi alam kung paano sasabihin. O pinipigilan mo lang din ang sarili mong sabihin dahil magmumuka ka lang tanga. 

Pero kung matagal ka ng mukang tanga, ano pa nga ba ang mawawala sayo. Anung pride pa nga ba ang kakainin mo kung araw-araw kasama ito sa diet mo. Ako madami akong katanungan. Madami akong gustong sabihin. Hindi ko alam kung maisusulat ko sila lahat ngayon dito. Hindi ko rin alam kung mabibigyan ng mga kasagutan. Pero sana, sana mabasa nya ang mga gusto kong sabihin. (dahil MINSAN nagbabasa sya ng blogelya kez).

Mas matimbang ba talaga ako? Sinasabi mo na mas matimbang ako, pero sa kanya ka umOO. Sinabi mo lang ba yun para gumaan ang pakiramdam ko? Kung totoo kayang napilitan ka lang, magagawa mo kayang ipaglaban ako? Dahil ako ang mas matimbang, dahil ititigil mo yang sinasabi mong katangahan mo?

Bakit sya, at hindi ako? Mas nakakahigit ba talaga sya? Alam kong walang problema sa akin. Dahil sa buong pagkakakilala natin, never tayong nagkaproblema. O yun ba ang dahilan kung bakit nakaya mo akong masaktan. Na lahat ay ok lang sa pagitan natin anu man ang gawin mo. Never kang na-threatened na mawala ako. Deserving lang ba talaga kaming pareho kaya nung pumili ka, sya deserving lumigaya sa piling mo at ako ay deserving na masaktan.  

Mas napapasaya ka ba nya kesa sa kasiyahang naibibigay ko? Kelangan kong malaman dahil alam kong napapasaya kita. Madalas mo yang sinasabi sa akin lalo na kapag kakahiwalay pa lang natin galing sa pag-gala na magkasama.

Siguro kung masasagot ang mga katanungan na yan mas magiging madali sakin ang lahat. Kung malalaman kong mas nakakahigit lang talaga sya kesa sa akin. Bakit hindi ko ibibigay sayo kung ano yung mas nakakahigit at mas makakabuti sayo. Hindi yung tulad na gusto mong tanggapin ko na napilitan ka lang sa relasyon na yan.

Nung huli tayong nagkausap humihingi ka ng tawad. Ibinigay ko naman sa iyo agad yon. Pero kinailangan kong putulin muna ang lahat ng namamagitan sa atin dahil baka ikamatay ko kung hindi ko gagawin. Kelangan kong gawin kase hindi ko kayang magpanggap na ok lang. Sa simula naman yun na ang sinabi ko sayo. Ayoko ng pagpapanggap sa pagitan natin. 

Sana naramdaman mo kung gaano kita minahal. Sinasabi mo naman sa akin noon na nararamdaman mo. Sana nadama mo ng totoo. Siguro hindi tayo magiging ganun kaclose kung hindi mo ramdam. Sabi mo acceptance lang magiging ok din ako. Natawa ako noon. Alam natin pareho ano ang tinaggap ko. Ano ang mga bagay na naaccept ko na. Tapos tuturuan mo pa ako ng acceptance? haha. Sobra lang talaga ito. Hindi ganun kadali. Oo matatanggap ko din ito. Kung kelan, hindi ko alam. 

Masakit. Sobrang sakit. Kailangan kong aminin na nasasaktan ako. Kasi kung hindi, lalo lang bibigat ang pagpasan ko ng nararamdaman kong ito. Masakit kse sa araw-araw naaalala kita. Yung paggising sa umaga, txt mo una kong mababasa at sa gabi ang paalaman natin ng Goodnight. Yung tawagan natin sa isat-isa. Yung mga kanta na nagpapaalala sayo. Yung anklet na suot-suot ko na galing sayo. Iniisip ko kung mapipigtal pa ba ang anklet na yun o hindi na kasi hindi na matutupad ang wish ko nung isinuot ko iyon. Lahat yun nakakadagdag sa sakit. Ganun naman ata talaga. Yung masasayang bagay na yun ang mas nakakasakit kesa sa mismong dahilan ng lahat. Yung paghahanap sa kung ano ang nawala.

Oo bitter pa ako ngayon. Pero sana ok ka. Sana mas masaya ka sa piling nya kesa nung ako lang ang kasama mo. Para kahit papano, worth-it naman tong hirap na nararanasan ko. Pero kung hindi, tangina naman, umalis ka na dyan. Dito ka na lang. 

Sabi mo kapag ok na ako sana we can start again. Sabi ko kapag ako na lang, walang kaagaw, walang kahati, walang iba. Selfish na ba ako? Hindi ko alam kung ano mangyayari bukas sa pagitan nating dalawa. Kung may babalikan pa ba tayo. Kung may tayo pa ba o ikaw at ako na lang. Pero sana tuwing maaalala mo ako, sa katauhan ni Anne Curtis (ambidyosa!), kung maririnig mo ang kantang Pangarap ko ang Ibigin Ka, tuwing magagawi ka sa Megamall, tuwing suot mo ang kwintas at makikita ang rice terraces, tuwing gagamitin ni Mama mo ang puting rosario, at kung ano pang maliliit na bagay na magpapaalala sayo ng isang Elle, sana maalala mo ganu kita kamahal, minahal at sinikap na mapasaya. 


Salamat...

Salamat.. 






Monday, September 5, 2011

Kulang Ako Kung Wala Ka

Nung Sunday nasa bahay lang ako at nanonood ng TV. Nang biglang ipalabas ang movie ng Kimerald na "Till My Heartaches End". Ay umeeksena ang kanta. Instrumental pa lang ng kanta naiiyak na aketch! At kamusta naman ang biglang pagtugtog ni Sarah G. ng "How Could You Say You Love Me" sa ipod ko habang isinusulat ko ito.

Anyways, may naalala lang ako. Ang paghihiwalay ni Kamahalan at Warden. 

Gerald Anderson as Kamahalan and Sarah Geronimo as Warden. Chareeeng!


Warden: Kelan tayo magkikita?

Kamahalan: Hindi ko alam Warden, kasi manonood kami ng tropa bukas, tapos sa 24 magkikita kami ni BB.

Warden: Sino si BB? Babes?

Kamahalan: Babe lang po.

Wow! Warden sit corrected. 

Warden: Ahhhh ok. Sige wag na lang.

Kamahalan: Baka pwede din po tayo magkita, gawan ko ng paraan.

Warden: Wag na, mahirapan ka pa. Alam mo naman ayaw ko makadagdag sayo. Ibuhos mo na lang sa pagkikita nyo ng BB mo. Monthsary nyo ata yun.

Kamahalan: Over ka naman. Wag na magdrama, ok lang sakin yun. Monthsary? hmmmm

Warden: Kayo na no? Monthsary celebration nyo yun.

Kamahalan: Warden, oo

Shit! Tama ang nararamdaman ni Warden. Confirmed!

Kamahalan: Warden, sorry.

Warden: Sorry for what?

Kamahalan: Kasi hindi ko sinabi agad.

Warden: Ok, hahaha. Natatawa lang ako. Tinanong kita noon kung napagusapan nyo na kung ano ba talaga kayo. Sabi mo buti na lang hindi kasi hindi mo pa alam ang isasagot mo. Haha well i guess alam na natin ang isinagot mo.

Kamahalan: Alam mo naman ako Warden, pala Oo ako. Hindi ko nga alam eh. Tanga ko lang.

Warden: Sino mas tanga saten? Ikaw na umoOO sa iba, o ako na hindi ka pinilit na umOO sa akin? hahaha Tangina!

Kamahalan: Mas tanga pa din ako Warden.

Warden: No! Dont give me that crap na umOO ka lang dahil pala OO ka. UmOO ka kase gusto mo. Kasi kung hindi mo gusto, mas pipiliin mo syang masaktan kesa sakin. Mas takot ka mawala sya kesa sakin.

Kamahalan: Warden hindi sa ganun yon.

Warden: Eh panu yun? Wag mo sabihin sakin na napaOO ka lang. Ano kasalanan ko na hindi kita pinilit na umOO sakin kaya sa kanya ka umOO? Desisyon mo yan! Kung hindi mo ginusto yan at iniisip mo antanga mo, ano ginagawa mo dyan sa relasyon na yan!? Bakit ka mananatili dyan?

Kamahalan: Mas MATIMBANG ka pa din po eh. KULANG AKO KAPAG WALA KA.

Warden: Tangina! Mas matimbang ako!? Kulang ka kapag wala ako!? Bakit sino sinasaktan mo ngayon!? Sino ngayon ang kumakain ng pride..Sila ba? Ganun ba yun? Magdusa ako, mas matimbang naman ako eh.. Wow!

More mura, more exclamation point more fun!

Kamahalan: Hindi ko alam Warden. Hindi ko maintindihan. Siguro kung masaya man ako, pansamantala lang ito.

Kamahalan: Kita mo, diba ang tanga ko. Pati pagsagot, pagdedisisyon at paggawa, mali ako. Hindi ko alam. Pasensya kung nasasaktan kita, pero Warden sana wag ka mawala. Sorry talaga.

Warden: Wag ako mawala? Hindi mo ba naisip na pwede akong mawala kung kayo na? Sa tingin mo ano gagawin ko, paano ako magiging ok na nasa tabi mo habang alam ko may iba na nagmamayari sayo? Yung may kaagaw palang hirap na hirap na ako. Ngayon pa. Damihan mo man ang "Sorry" hindi na mawawala ang sakit. Ang pagkainsulto.

Warden: Kung masaya ka ngayon hindi kita pipigilan maging masaya. Yun naman ang hangad ko para sayo eh. Kung hindi mo talaga sakin yun makukuha, sige. Kelangan ko na lang gawin ang kailangan para maging ok ako.

Kamahalan: Warden masaya naman ako sayo eh. Nasanay na ako na lagi kang andyan. Sana mapatawad mo ako.

Masaya ka pala eh, bakit ka naghanap ng iba? Tanga!

Warden: Yun nga eh, nakasanayan mo na lang ako. Na lahat na lang tinatanggap ko. Na ok lang sakin. Kaso eto hindi na. Hindi na ako ok. Pagpapatawad madali ko ibigay yun. At iintindihin ko din na karapatan mo ang mamili kung sino ba gusto mo. Nakapili ka na. Bababa na ako ng ring. Knock-out na ako. Biggest Loser.

Kamahalan: Mali nga ako na siguro nasanay ako na lagi kang ok, lagi ako pinagbibigyan, iniintindi at pinapatawad. Sana kapag pinatawad mo ako malimutan mo na lahat ng pait at sakit na naidulot ko sayo. Hihintayin ko dumating ang araw na napatawad mo na ako at makapagsimula tayo ng bago.

Warden: Ngayon pa lang pinapatawad na kita. Ibibigay ko na sayo yun. Ngayon pa lang magsisimula na ako ng bago. Kung magkakaChance man na magsimula tayo ng bago, ayoko na ng may iba. Ng may kaagaw at kahati. Ingat ka palagi. KAMAHALAN KO.

Kamahalan: Salamat at nagawa mo pa rin akong patawarin kahit sa sakit ng nagawa ko sayo. Kung magkakachance? Bakit hindi ka ba sigurado? Mag-ingat ka din po Warden Sarah G. My Warden.

Warden: Kung magkakaChance. Hindi ako sigurado dahil may kundisyon na ako ngayon. Walang iba, walang kaagaw at kahati. At hindi na ako maghihintay. Pagod na ako. Hindi ko na kaya. Kung dumating man ang araw na yun, wala ng sagabal sa kaligayahan ko, go. Kung hindi, wish ko na lang na sana lagi kang maligaya.

Kamahalan: So sa ngayon kakalimutan mo ako hangang dumating ang time na yun?

Warden: Sa ngayon gagawin ko ang lahat para maitawid ko ang araw-araw at maging ok ako.

Kamahalan: Ipagdarasal ko na maging ok ka parati at maging madali ang paghilom ng mga sugat sa puso mo na ako ang nagdulot.

Warden: Sana nga, kahit alam kong hindi magiging madali.

Kamahalan: Acceptance lang Warden. Mag-ingat ka po palagi Warden. Andito lang ako kapag kailangan mo. Itext mo ako kapag ok ka na. Maghihintay ako.

Warden: Sige na Kamahalan. Pauwi na ako. Hindi ko na kaya. Baka maiyak ako sa daan. Till next time. Kapag pwede ng ako ang piliin mo, yung ako lang.

Kamahalan: Ingat ka po pag-uwi. Itxt mo ako pag nasa haws ka na para alam ko na safe ka na. Sorry po ulit Warden. I'm very sorry. Mwuah. :-*  :-(

Pagdating ni Warden sa bahay, hindi na sya nagtext. Dahil alam nya, sa araw na yun at sa mga darating pa, hindi siya magiging ok. 
Sa ngayon walang nakakaalam kung magkakaChance pa ba. Kung kelan magiging ok si Warden. At kung dadating ba ang araw na kaya ng piliin ni Kamahalan si Warden, nang sya lang, walang kahati, walang kaagaw.